Bewildered Space

Tuesday, January 24, 2006

Ang Tsinelas... bow.

Ang tsinelas ko minsan, nangakong sasamahan ako kahit saan. Pero nasira kanina eh. Saka ko naisip, honga pala... hindi yun nagsasalita.

Mukhang magiging maulan na ang panahon ngayon. Minsan na lang ako nagsusulat sa dami ng mga bagay na kailangan kong isipin at gawin. Sa araw na ito, nakabili ako ng bracelet at isang tsinelas na hindi ko alam kung gaano tatagal sa pagsapin sa mga paa ko.

Marami-rami na din akong nabiling tsinelas. Hehehe akala ko tatagal sila habang buhay pero hindi naman pala. Oo nga naman bakit iisipin kong tatagal sila? Ang tsinelas ang pinakasimpleng porma para sa paa. Pero kahit na ganon, marami pa rin silang itsura at katangian. At lahat din sila, minsan mangangakong sasamahan ka kahit san ka magpunta. At nagtiwala ka naman.

Marami sa mga tsinelas kumaway kaway lang sa yo sa mga tiangge na dadaanan mo. Kung trip mo naman na medyo high-end, punta ka dun sa mga branded. O kaya naman binigay lang sayo ng isa mong kakilala. Sukat nga ba sila sa mga paa mo? Masyadong malaki? Maluwag? Nakakatusok o masyadong madulas? May tsinelas na pambahay pati na rin pang-alis. Pero lahat din sila may kapares. Hindi pwedeng mag-isa lang.

Naalala ko tuloy si Sharon. Sa sobrang kabangagan, nagkamali ng suot ng tsinelas. Hindi kaya nalungkot ang kapares ng mga yun? Ah, siguro nag-party na lang ung dalawang kaparehas na naiwan.

Nakakalungkot minsan pag nasira ang tsinelas mo noh? Mahirap na ibalik sa dati kahit dalin mo kay Mr. Quickie. Magbabayad ka pa. Sa huli, bibili ka na lang din ng bago. O kaya malay mo, may magbibigay sayo!

Kaya sa nasira kong tsinelas kanina... hehehe eto ang tula ko sayo..

Salamat sa lahat ng mga lakad natin
Salamat sa mga milyang ikaw ay akin
Salamat na rin sa pagbuhat mo sa kin,
Sa katagalan ika'y lumipas din.

Nakakatuwa lang, minsan iisipin mo, kung may mawawalang pares ng tsinelas mo, anong pipiliin mo? Kaliwa o kanan? Tatawa ka na lang at maiisip mo, wala na rin palang silbi kung may matira man na isa. Hindi ka na pwedeng samahan nyan sa mga gimik mo. Hindi naman pwedeng humanap ka ng kapares nya hindi ba?

Kaya siguro minsan, nakakatakot na lagi mong gamitin ang tsinelas mo. Ano kaya kung magsawa sya sayo at sadyaing sirain ang sarili nya? Hahaha di nga pala pwede. Ikaw ba ang nagsawa? Hahaha walang ganyanan.

Dear Tsinelas,

Nung unang kitang makita sa tindahan kasama ng marami pang mga tsinelas, ikaw lang ang pinagtuunan ko ng pansin. Binili nga agad kita hindi ba? Wag mong sabihing pinabayaan kita. Ginawa ko naman ang mga pwede kong gawin para hindi ka masira. Naman.. nilabahan ka pa nga ng pinsan ko eh!

Pero siguro nga hanggang dito na lang ang pagsasama natin. Wala akong magagawa kung ayaw mo na sa mga paa ko hahahaha. Siguro kasi, hindi ka sukat sa kin. Masyado kang malaki. Hindi siguro para sa kin. Hindi ko nga alam kung bakit ipinagpilitan ko pa. Akala ko lang talaga kasi, narinig kita magsalita noon. May tagas lang nga siguro talaga ang utak ko kaya eto.. sinusulatan pa kita.

Medyo matagal din na inisip kong malapit ka na nga masira eh. Pero hindi ko pinansin. Akala ko pwede pa kitang masalba. Hmm.. napagod ka siguro sa kin? Masyado kasi akong magulo eh. Pero salamat na rin at hindi ako natisod nung gamit kita. Salamat sa lahat.

At ngayong retired ka na my dear tsinelas, sa bahay ka na lang. Tatambak ka ba sa ibang tsinelas na minsan ring nangakong sasamahan ako? Hehehe, okay lang remembrance kita dude!

Nagmamahal,
Schizophrenic 70% Solution Disinfectant Antiseptic Isopropyl Alcohol

P.S.
Kung medyo malupit ako sa yo dati pagpasensyahan mo na. Dos siguro ang plate ko. Heheheh..

Minsan, mas gugustuhin ko pang nakayapak na lang. Mabuti pa yun. Hindi ako aasa sa isang tsinelas na bubuhatin ako. Bigat ba? Hala naman 106 lbs lang ako! Masaktan man ako sa paglakad, hindi kita sisisihin. Walang mawawalang kapares. Walang maiiwan.

Kung sa darating na panahon, babalik ang isang tulad mo, o kaya kamukha mo? (Baka kamag-anak mo!)
Sige pramis, titingnan ko muna kung sukat. Mahirap na yung maluwag o kaya maliit. Baka masira lang ulit.

Salamat.

0 Comments: